Sunday, June 16, 2013

Ang Pinagmulan ng Wikang Filipino

Wikang Filipino. Isa lamang sa napakaraming wika sa mundo, at karamihan ng mga gumagamit ng wikang ito ay matatagpuan sa bansang Pilipinas. Ang tawag sa kanila ay mga Pilipino. Ilan, kung hindi marami, sa mga Pilipino ay hindi nakakaalam ng kasaysayan o ang pinagmulan ng Pambansang Wika ng Pilipinas. Kung isa kang Pilipino, isa ka ba sa kanila? Kung ikaw naman ay isang banyaga, gusto mo bang matuklasan ang pinagmulan nito? Halina't ating tunghayan ang kasaysayan ng Wikang Filipino.

Alam nating mahalaga ang pagkakaroon ng iisang wika, o masasabing, ang "official language" ng isang bansa, diba? Nag-umpisa ito noong ika-12 ng Nobyembre 1936. Sa araw na ito, ang unang Pambansang Asambleya ay nagsabatas na italaga ang Surian ng Wikang Pambansa (National Language Institute) na mag-aral at magsagawa ng pagsusuri ng bawat katutubong wika, upang maging basehan para sa magiging Pambansang Wika. Ang unang tatlong wikang napili ay ang Tagalog, Visaya at ang Ilocano. Noong ika-14 ng Hulyo 1937, itinakda ng Surian ang wikang Tagalog bilang batayan ng Pambansang Wika, sa mga kadahilanang:

1. Ang wikang Tagalog ay ginagamit ng mas nakararami at ang wikang ito ang naiintindihan sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas.
2. Hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng Bisaya at Bikol.
3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at malawak. Mas maraming aklat ang nakasulat sa Tagalog kaysa sa iba pang mga wikang katutubo.
4. Ito rin ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampulitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol at mga Amerikano sa bansa. 
5. Ito ang wika ng Himagsikan 1896 at ng Katipunan.

Noong 1959, ang wikang ito ay nakilala bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong Wikang Pambansa na papalit sa Pilipino, isang wikang tinawag na Filipino. Subalit hindi binanggit sa Artikulo XV, Seksyon 3(2), na Tagalog/Pilipino ang batayan ng wikang Filipino, sa halip ay nanawagan ito na mag-"take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino." Ang hakbang na ito ay nagdulot ng maraming puna galing sa ibang grupo ng mga ibang rehiyon. Gayundin, matapos na mapatalksik si Pangulong Marcos, nilaktawan ng Artikulo XIV, Seksyon 6, ng Saligang Batas ng 1987, na ipagbisa ang anumang pagbabanggit ng Tagalog bilang batayan ng Filipino at mismong ipinagpatuloy na "as [Filipino] evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages." Tiniyak pa ng isang  resolusyon ng Mayo 13, 1992, na ang Filipino "ang katutubong wika, pasalita at pasulta, sa Metro Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon (National Capital Region), at sa iba pang sentrong urban as arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo." Gayunpaman, katulad ng mga Saligang Batas ng 1973 at 1987, hindi nito kinilala ang wikang ito bilang Tagalog, at dahil doon, ang Filipino ay, sa teorya, maaaring maging anumang katutubong wikang Awstronesyo, kasama na ang Sugboanon ayon sa paggamit ng mga taga-Kalakhang Cebu at Davao. Idinedeklara ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa.

Bilang isang mamamayang Pilipino, pinapahalagahan ko ang wikang Filipino at ang kasaysayan nito. Mahalaga ang bawat detalye ng pinanggalingan ng Pambansang Wika ng Pilipinas, kaya dapat alamin, suriin at tandaan. Marapat lang na igalang ang wikang sariling atin, ano mang naunang wika ang nauna dito. Minamahal ko ang sariling wika ko, at kahit na may pagka-bihasa ako sa pagsasalita ng Ingles ay mas may pagpapahalaga ako sa wikang Filipino. Ito ay isa sa mga simbolo ng pagkakaisa ng bawat Pilipino, isang bagay na hindi mabubura sa isipan ng bawat Pilipinong nakakaalam nito. Maging mapagmalaki tayo na ang wika natin ay Filipino! Mabuhay ang mga Pilipino! Mabuhay ang Wikang Pambansa! Mabuhay ang Wikang Filipino!